Positibo si Gilas Pilipinas big man Kai Sotto na tuloy-tuloy na ang kaniyang pag-rekober mula sa kaniyang anterior cruciate ligament (ACL) injury at tuluyan nang makakabalik sa paglalaro ng basketball.
Ayon sa 7-footer, ‘on-track’ ang kaniyang paggaling matapos ang operasyon at tuluyan na rin siyang sumasabak sa simpleng ensayo.
Ngayong linggo, nagawa niyang maglaro ng ilang sandali sa isang basketball court sa Pasig City, kasama ang ilang Gilas player.
Ayon kay Sotto, kung tuloy-tuloy ang maayos niyang paggaling, posibleng makakabalik na siya pagsapit ng Enero ng susunod na taon, isang taon mula noong magtamo siya ng injury.
Sa ngayon, hindi muna siya pinapayagang makibahagi sa team practice at limitado lamang ang inilalagi sa court.
Hindi rin aniya nawawala ang manaka-nakang iritasyon sa kaniyang tuhod na isa sa mga pokus ng kaniyang rehabilitasyon.
Dahil sa kasalukuyang rehabilitasyon, hindi muna makakapaglaro ang Gilas center sa unang bahagi ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na magsisimula sa susunod na linggo.
Gayunpaman, tiniyak ni Sotto na sasamahan pa rin niya ang Gilas team sa kanilang laban, bilang pagpapakita ng suporta.
















