Muling inungkat ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang kontrobersyal na ‘polvoronic video’ kasunod ng mga naunang pahayag ni Presidential sister, Sen. Imee Marcos ukol sa umano’y paggamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng iligal na droga.
Ayon kay Roque, si Sen. Imee mismo ang nagpatunay sa nilalaman ng naturang video kasunod ng kaniyang mga pahayag.
Malinaw aniya na kung sinuman ang nagkalat sa naturang video ay may personal na kaalaman sa nangyari, at ito ay isang ‘tunay’ na video footage.
Binalikan din ni Roque ang umano’y panggigipit ngayon sa kaniya ng administrasyong Marcos dahil sa naturang video kung saan isa siya sa mga itinuturong nagpakalat, kasama ang vlogger na si Maharlika.
Sa kabilang banda, una nang pinatunayan ng iba’t-ibang ahensiya at independent body na peke ang polvoron video na unang kumalat noong July 2024.
Makikita sa naturang video ang isang lalaki na kawangis ni Pangulong Marcos na umano’y sumisinghot ng puting kemikal.
Kabilang sa mga nagsagawa ng forensic at AI analysis sa naturang video ay ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Department of Information and Communications Technology (DICT), at maging ang Department of Justice.
Maging ang India-based firm na Misinformation Combat Alliance (MCA) ay tinukoy din ang naturang video bilang peke.















