Tinitiyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mas malawak at komprehensibong suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga pamilyang lubhang naapektuhan ng Bagyong Uwan sa Ilocos Region na makabangon muli at maitayo ang kanilang mga buhay.
Sa personal na pagbisita ng kalihim sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union, detalyado niyang inisa-isa ang mga karagdagang tulong at programa na ilalaan para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo, partikular na sa kanilang rehabilitation phase, kung saan tututukan ang pagbangon at pagpapabuti ng kanilang kalagayan.
Kabilang sa mga ito ang mga proyekto para sa pagpapaayos ng mga nasirang imprastraktura at pagbibigay ng oportunidad para sa muling pagkakabuhayan.
Kasabay ng pagbisita at pagtiyak ng tulong, tiniyak din ni Secretary Gatchalian na mahigpit at tuloy-tuloy ang koordinasyon ng mga DSWD Field Offices sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Ilocos Region para sa walang patid na pamamahagi ng relief goods, kabilang ang mga pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan, at para sa mabilis na pagpapatupad ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang ang mga bahay ay partially o totally damaged dahil sa pananalasa ng bagyo.
Binigyang-diin ng kalihim na malaking tulong ang mga food packs na ipinamamahagi at ang cash assistance na ibinibigay sa mga pamilya upang agad silang makapagsimula na ayusin ang kanilang mga nasirang tahanan at maibalik ang kanilang mga kabuhayan.
















