-- Advertisements --

Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatutupad na nila simula Nobyembre 17 hanggang Disyembre 25 ang suspensyon sa lahat ng road excavation at mga ginagawang kalsada sa Metro Manila upang mabawasan ang trapiko sa darating na holiday season.

Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, pahihintulutan lamang ang mga road works na ito mula Disyembre 26 dahil mas magaan na ang daloy ng trapiko pagkatapos ng Pasko.

May mga proyekto naman na exempted tulad ng mga malalaking infrastructure projects, repair works sa tulay, at emergency repairs sa tubig at kuryente.

Bukod dito, ipatutupad din ang pagbabawas sa oras ng operasyon ng mga mall at limitadong oras ng delivery upang makatulong sa pagdaloy ng trapiko.

Pinalawig din ang operasyon ng mga bus sa EDSA mula Disyembre 20 hanggang Enero 2, kabilang na ang mga provincial buses, upang matugunan ang dami ng mga biyahero.

Batay sa tala ng MMDA, nasa 2,000 MMDA enforcers ang nakatalaga para magpatrolya at magpatupad ng mga alituntunin sa kalsada sa buong holiday season.