Nagbigay ng update si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon sa Pangulo, pito sa labing-anim na indibidwal na may warrant of arrest mula sa Sandiganbayan ang nasa kustodiya na ng awtoridad.
Isa ang naaresto ng NBI, habang anim naman ang boluntaryong sumuko sa CIDG. Dalawa pa ang kasalukuyang nakikipag-ugnayan para sa kanilang pagsuko.
Inihayag din ng Pangulo na ang isang inaresto ng NBI ay natagpuan sa lugar na hindi niya tirahan, at muling nagbabala sa mga nagtatangkang magtago o tumulong magtago ng mga akusado.
“Mananagot ang sinumang nagtatago o tumutulong magtago,” paalala ng Pangulo.
Sa kabuuang 16 akusado, pito pa kabilang si Zaldy Co ang nananatiling at large. Hinimok ni Marcos ang mga natitirang suspek na agad sumuko upang maayos na maharap ang mga paratang.
Tiniyak ng Pangulo na walang espesyal na pagtrato sa mga sumuko at mananatili silang nasa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang utos ng korte.
“Tuloy-tuloy ang proseso. Hindi kami titigil,” diin ni Marcos.
















