Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang mosyon isinumite nina Sen. Bato Dela Rosa at former President Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa umano’y ‘arrest warrant’ inisyu ng International Criminal Court.
Sa naganap na En Banc Session ng Korte Suprema, hindi nito pinaburan ang kahilingan ng petitioners sa inihaing ‘Very Urgent Motion’ noong ika-12 ng Nobyembre.
Hiling kasi ng mambabatas at dating pangulo na atasan ng korte si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na ilabas o ipakita nito ang kopya ng ‘arrest warrant’ mula sa International Criminal Court.
Maaalalang ibinunyag kamakailan ni Omb. Remulla na nag-isyu na umano ang ICC ng warrant at mayroon raw siyang hawak na ng kopya nito.
Kung kaya’t kaugnay nito, ipinag-utos naman ng Korte Suprema sa Department of Justice, Department of Foreign Affairs at iba pang respondent na isumite ang kanilang kumento sa loob ng sampung araw sa hiwalay na ‘Very Urgent Manifestation’ ng mga petitioner.
Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin inaaksyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang nauna ng petisyon nina Sen. Bato at former Pres. Duterte ukol sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa ICC.
















