-- Advertisements --

Pumalo na sa 56,259 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, batay sa data na inilabas ng Department of Health (DOH) para sa petsang July 12.

Ayon sa DOH, nasa 2,124 na mga bagong kaso ng sakit ang kanilang naitala kahapon dahil sa submission ng 67 mula sa 82 lisensyadong laboratoryo sa bansa.

Mula sa nasabing bilang, 1,690 ang mga fresh cases o confirmed cases na lumabas ang test results at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

May 434 namang late cases o confirmed cases na lumabas ang test results sa nakalipas na apat na araw pero ngayon lang na-validate.

Ang bilang naman ng active cases o mga nagpapagaling pa ay nasa 38,679. Nahahati sila sa 92.2-percent na mild, 7.1-percent asymptomatic, 0.4-percent na mga severe, at 0.3-percent na critical cases.

Samantala, pumalo na sa 16,046 ang total ng recoveries dahil sa 2,009 na bagong gumaling.

Habang ang death toll ay may kabuuan nang 1,534 dahil sa 162 na bagong naitalang namatay.

“Lilinawin lang po namin. Hindi dahil 162 ang ating naitalang number of deaths kahapon ay ibig sabihin na kahapon sila lahat namatay,” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Ang mga datos na mayroon tayo ay dependent lamang sa submissions sa atin.”

Mula sa mga bagong death cases, 51 lang ang namatay ngayong buwan. Pinakamarami ang nangyari noong Hunyo sa 90. Habang 20 ang galing sa Mayo, at isa sa Abril.

Hindi nakapaglabas ng case bulletin ang DOH kahapon dahil umano sa dami ng data na kanilang natanggap at kaillangang i-validate.