Itinanggi ng Department of Justice na kanilang pinababayaan na lamang ang kaso hinggil sa mga nawawalang sabungero na hindi pa rin nahahanap.
Ito mismo ang binigyang diin ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos matanong hinggil sa reaksyon ng mga pamilya ng biktima.
Ayon kasi sa kanya, hindi umano nila sinusukuan ang naturang kaso at patuloy pa rin ang kanilang pagkalap ng mga ebidensya upang tuluyang maresolba ang isyu.
Ani pa niya’y ginagawa naman nila ang lahat matukoy lamang ang katotohanan sa likod ng naganap na mga pagdukot at pagkawala ng mga sabungero.
Ngunit sa kabila nito ay aminado ang Justice Secretary na mayroong kabagalan sa pag-usad ng kaso at pagresolba sa naturang isyu.
Paliwanag ni Secretary Remulla na ito’y isang proseso at sadyang minsa’y hindi maiiwasan na mabagal ang pag-andar ng kaso dahil sa kinakailangan pa ng mga tiyak na ebidensya.
Gayunpaman kanyang ipinagmalaki na kasalukuyan nilang hawak ang mga impormasyong ibinunyag ng kinilalang si alyas ‘Totoy’.
Isinawalat kasi ng naturang testigo na pinatay at inilibing na umano ang mga nawawalang sabungero sa Taal Lake na siyang nasa apat na taon ng pinaghahanap.
“No such thing, talagang hindi kami naggi-give up eh. We have not given up on anything or anybody. Ganun lang talaga mabagal minsan ang kaso. Ito po ay proseso, kinakailangan po may ebidensya na makakalap at ginagawa ho namin ang lahat,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Maalala na una ng kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kanilang koordinasyon sa Philippine National Police hinggil sa pagresolba ng kaso.
Ito ay kasunod ng sabihin niya din mismo na matagal niya ng nakausap ang testigo na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ noon pang bago mag-eleksyon.