CENTRAL MINDANAO- Patay ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa pananaga ng kanyang kasama sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Gabriel Ecay habang ang suspek naman ay si Ranil Maway na kapwa mga residente ng Purok 1B, Sitio Elkak, Barangay New Caridad, Tulunan, North Cotabato.

Ayon kay Brgy Caridad Brgy Chairman Richard Pandacan pinagtataga ng nakainom na suspek ang biktima sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Agad binawian ng buhay ang biktima nang magtamo ng maraming taga sa maraming parte ng kanyang katawan.

Tumakas ang suspek ngunit agad itong nahuli ng mga pulis at BPAT sa Brgy New Caridad sa bayan ng Tulunan.

May dati na umanong alitan ang dalawang BPAT bago nangyari ang pananaga.

Kinumpirma naman ni Kapitan Pandacan na ang biktima at suspek ay tumutulong sa pagbabantay sa mga residente sa pinaiiral na enhanced community quarantine sa bayan ng Tulunan.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa costudial facility ng Tulunan PNP at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay.