-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umaabot sa 7,000 hanggang 8,000 na turista bawat araw ang dumarating sa Boracay upang magbakasyon para sa Bagong Taon.

Ayon kay Caticlan jetty port administrator Esel Flores na ganito rin ang daily arrivals noong bago mag-Pasko na karamihan ay mga local tourist.

Sa katunayan noong weekend hanggang Miyerkules ay umabot sa halos 10,000 ang dumating na bisita na kadalasang nananatili sa isla ng tatlong araw.

Hindi pa umano kasama sa daily tourist arrivals ang mga lulan ng cruise ship na dumaong sa Boracay noong Disyembre 24 na sinalubong ng mga mananayaw ng Ati-Atihan at banda habang pababa sa pantalan.

Isa pang cruise ship ang nakatakdang dumaong ngayong araw ng Martes, Disyembre 30 sakay ang nasa 2,000 turista.

Kumpiyansa si Flores na maaabot nila ngayong taon ang target na 2.3 million na tourist arrivals.

Sinasadya ng ilang turista ang Boracay tuwing Bagong Taon upang abangan ang bonggang fireworks display sa gitna ng dagat ng mga accomodation establishments.

Dahil sa pagdami ng mga bisita, pinaiigting ng mga awtoridad ang seguridad sa mga mataong lugar.

Bukod sa mga environmental police, may ilang volunteers rin ang tumutulong para mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa loob ng Boracay.

Gayunman, patuloy pa rin ang paalala ng pamahalaan sa mga turista na panatilihing malinis ang kapaligiran ng nasabing tourist destination.