KALIBO, Aklan – Itutulak pa rin ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang pag-alis sa negatibong RT-PCR tests bilang travel requirement sa mga turistang nais magbakasyon sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay acting Mayor Frolibar Bautista na ito ay matapos mapagkasunduan ng mayorya ng mga alkalde sa Aklan sa ginanap na pulong ng Provincial Inter-Agency Task Force na mananatili ang test-before-travel policy para sa mga biyahero at turistang papasok sa lalawigan.
Sa ilalim ng inaprubahang unified travel protocol ng National IATF, hindi na mandatory para sa mga local tourist ang sumailalim sa COVID-19 testing at quarantine.
Naniniwala si Mayor Bautista na hindi na kinakailangan ang negative RT-PCR test results para sa mga lokal na turistang galing sa ibang lalawigan basta’t mahigpit lamang na sundin ang itinakdang minimum health standards.
Giit pa niya na napapanahon sana ang pagluluwag na ito upang lalo pang dumami ang turista ngayong summer season.