-- Advertisements --
bomb courier Montawal

CENTRAL MINDANAO – Kusang pinasabog ng militar ang isang improvised explosive device (IED) dakong alas-3:50 ng madaling araw kanina sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay 602nd Brigade commander B/Gen. Roberto Capulong na tumanggap sila ng ulat sa dalawang katao na lulan sa isang motorsiklo na may dalang bomba.

Agad na nagsagawa nang operasyon ang tropa ng 90th Infantry (Bigkis-lahi) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Michael Maquilan at AFP-intel operatives.

Naabutan nila ang mga suspek sa Brgy Pagagawan, Datu Montawal, Maguindanao ngunit nanlaban umano ang mga ito hanggang sa magkabarilan.

Napatay ang angkas ng motorsiklo habang nakatakas ang driver.

Kasunod nito, pansamantala munang pinigil ng mga otoridad ang mga sasakyan at isinara ang national highway.

Dumating din ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army at PNP kung saan kusang pinasabog ang IED na dala ng suspek na napatay ng mga sundalo.

Kinumpirma rin ni Datu Montawal chief of police, Captain Razul Pandulo na nakuha sa sling bag ng suspek ang isang kalibre .45 na pistola, mga personal na kagamitan at ang bombang kusang pinasabog.

Nagpasalamat naman si Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal sa mabilis na aksyon ng militar at pulisya para hindi makalusot ang mga terorista.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa Maguindanao.

bomb courier maguindanao 1