Iniulat ni Office of the Civil Defense (OCD) Officer-in-charge ASec. Rafaelito Alejandro IV na na-overwhelm o napuno ang Bogo city district hospital ng mga biktima ng lindol matapos tumama ang magnitude 6.9 na pagyanig kagabi, Setyembre 30.
Ayon sa OCD official, agad na nagpadala ang DOH ng medical team mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center para mag-augment sa ospital kaninang madaling araw.
Nakaranas din ng power outage ang mga ospital sa mga lugar na tinamaan ng lindol at kasalukuyang gumagamit ng generator set particular na sa may Northern Cebu.
Bilang tugon, nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Department of Energy para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga ospital.
Samantala, ayon sa DOH, nakataas na rin ang code white alert sa Central Visayas.
Sa ilalim ng Code White Alert, nakahanda ang DOH Operations Center pagdating sa mga gamot, medical equipment, at Health Emergency Response Teams para sa mga lugar na apektado ng lindol.
Una ng idineploy ng DOH Vicente Sotto Medical Center ang kanilang general surgeons, emergency medicine doctors, at orthopedic specialists. Dala ng team ang medical supplies at commodities para sa mga sugatang pasyente.