Ipinahayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Huwebes na handa itong magsagawa ng imbestigasyon laban sa sinumang indibidwal, kabilang na ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, kung mayroong mapagkakatiwalaang impormasyon ukol sa posibleng paglabag sa buwis.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., wala pang opisyal na kahilingang natatanggap ang ahensya mula sa ibang tanggapan upang siyasatin ang mga negosyo ni Ang, ngunit tiniyak niyang hindi sasantuhin ang sinuman kung may sapat na basehan ang kawani.
Ang pahayag ay ginawa sa isang press briefing sa Department of Justice (DOJ), kasunod ng mga alegasyon laban kay Ang kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Inakusahan si Ang ng pagiging utak sa insidente ng kanyang dating aide na si Julie Patidongan, na ngayo’y whistleblower.
Mariin namang itinanggi ni Ang ang mga paratang.
Noong nakaraang linggo, naghain ng pormal na reklamo para sa multiple murder at serious illegal detention laban kay Ang, ang ilang miyembro ng tinaguriang Alpha Group, at ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP).