BUTUAN CITY – Nagpapatuloy pa rin ang manhunt operation ng tracking team ng Special Investation Task Group o SITG Segovia upang mahuli rin ang driver ng motorsiklong ginamit sa pagbaril-patay ng radio announcer na si Erwin ‘Boy Pana’ Segovia sa Bislig City, Surigao del Sur nitong nakaraang buwan.
Ito’y matapos maaresto ng pinagsamang puwersa ng mga otoridad ang umano’y gunman sa kremin na kinilalang si alyas Jeffrey Birador, 40-anyos, magsasaka at residente ng Sitio Napanpanan, Barangay Rajah Cabungsuan, bayan ng Lingig, Surigao del Sur.
Ang kanyang pagka-aresto ay naganap nang isilbi ang dalawang search warrants na inilabas ng presiding judge ng Branch 46, 11th Judicial Region sa Bislig City, Surigao del Sur, kaugnay ng paglabag nito sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Illegal Possession of Firearms, Ammunition, or Explosives.
Ang operasyon kamakailan ay nagresulta sa pagkakumpiska ng isang sling bag, dalawang kalibre punto 45 na pistola na may tig-iisang magazine na may tig-aanim na bala, isang brown holster, at isang fragmentation grenade.
Kaugnay nito’y pinuri ni PCol Jeffrey Lawrence Mauricio, Provincial Director ng Surigao del Sur Police Provincial Office, ang matagumpay na pagka-aresto ng suspetsado.