-- Advertisements --

Nagsampa ngayong araw ng mga reklamong ‘tax evasion’ ang Bureau of Internal Revenue kontra sa mga korporasyon na sangkot sa ilegal na gawain.

Kung saan personal pang nagtungo sa tanggapan ng Department of Justice si BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. upang pormal na isampa ang mga reklamo.

Inihain sa Kagawaran ng Katarangun ang dalawampu’t tatlong (23) ‘tax evasion complaints’ laban sa 23 Corporations, 56 corporate officers at 17 accountants.

Ayon kay Commissioner Lumagui Jr, ito’y bunsod nang madiskubre ang mga ito na gumagamit o bumibili ng mga ‘ghost receipts’ upang matakasan ang obligasyon magbayad ng kaukulang buwis.

Nasasangkot aniya rito ang mga korporasyon at indibidwal mula sa iba’t ibang mga industriya gaya ng sa negosyong construction, manufacturing, food, electronics, entertainment, marketing retail at iba pa.

Kaya’t bunsod nito’y kanyang ibinahagi na umabot sa 1.41-bilyon Piso ang nawala o tax deficiency sa Bureau of Internal Revenue sa koleksyon nito ng buwis dahil sa mga nabistong ilegal na transaksyon.

“Ang total na Tax deficiencies na kasama rito na assesment is around 1.41 billion Pesos. Again this is pursuant to our program na run after fake transactions dahil malaki ang nawawalang revenue sa ating gobyerno sa mga nandaraya ng buwis sa pamamagitan ng paggamit ng mga ghost receipts,” ani Commisioner Romeo Lumagui Jr. ng Bureau of Internal Revenue.

Dahil rito, inihayag ni Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang pagsasampa ng ganitong mga reklamo ay nagpapakita ng kanilang seryosong aksyon para malaban ang mga tax evaders sa bansa.

Aniya’y hindi lamang ang mga nagbebenta ng ghost receipts ang kanilang habol kundi maging ang mga bumibili nito ay titiyaking mapapanagot din sa batas.

Malinaw raw kasi na ang mga sinampahan ng reklamo ay sangkot sa ‘tax evasion’ sapagkat kanilang pakay na mapalaki ang ‘tax input’ para mapababa ang obligasyong bayaran na buwis.

Habang kanyang pinasalamatan naman ang Department of Justice sa pagsuporta nito sa kawanihan upang tuluyang mapanagot at masampahan ng kaso ang mga sangkot sa ilegal na gawain o transaksyon.

“Malinaw ang tax evasion laban dito at marami ng kasong naisampa, patuloy ang gagawin at nagpapasalamat tayo sa Department of Justice dahil sa kanilang suporto sa aming laban dito sa mga ghost recipts,” ani pa Comm. Romeo Lumagui Jr. ng BIR.

Dadaan ang mga reklamo sa ‘evaluation’ ng DOJ upang makumpirma ang mga ito bago tumayo bilang kaso laban sa mga korporasyon nasasangkot.