-- Advertisements --

Pinaplantsa na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Japan International Cooperation Agency ang pagbuo ng updated Flood Control Master Plans sa Luzon.

Partikular na rito ang para sa Pasig-Marikina at Cagayan River Basins na dalawang pangunahing daluyan ng tubig sa Luzon.

Ang mga ito rin ay mahalaga sa ekonomiya ng Metro Manila at maging ng Cagayan Valley.

Pinangunahan ni DPWH Senior Undersecretary Emil Sadain at JICA Senior Representative Takanori Morishima ang presentasyon noong August 5 ng mga draft master plan na layong mabawasana ng mga serye ng pagbaha sa mga bulnerableng lugar.

Kabilang sa iminungkahi para sa Pasig-Marikina River ang pagtatayo ng dalawang flow-through dams, apat na retarding basins sa San Mateo, Rodriguez, at Quezon City, at river dredging sa ilalim ng Phase 2 at 3 ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project.

May hiwalay rin na plano para sa San Juan River kung saan kabilang dito ang dredging at underground spillway mula Quezon City hanggang lungsod ng Maynila.

Inaasahang matatapos ang pre-feasibility studies sa unang bahagi ng susunod na taon.