Arestado ang alkalde ng San Simon sa Pampanga dahil sa pangingikil sa isang negosyante.
Isinagawa ng intelligence operatives ng National Bureau of Investigation (NBI) ang entrapment operations laban kay Mayor Abundio Punsalan Jr dahil sa pagtanggap ng pera kapalit ng resolution mula sa kaniyang pamahalaang lokal.
Base sa mga kapulisan, nagsumbong sa kanilang opisina ang Realsteel Corp. matapos na humihingi ang alkalde ng kabuuang P80 milyon kapalit ng resolution na pumapabor sa kanilang negosyo.
Unang hiningi ng alkalde ang P30 milyon habang ang P50-milyon ay uutay-utayin hanggang mabayaran ng buo.
Isinagawa ang pag-aresto sa isang restaurant sa loob ng Clark, Pampanga.
Kasama rin na naaresto ang mga security personnel nito na may dalang mga malalakas na uri ng baril at kanilang ibeberipika sa Philippine National Police.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices ang alkalde.
Nasa kustodiya na ng NBI ang alkalde habang inihahanda ang ibang mga kaso.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Pampanga Governor Lilia Pineda sa ginawang ito ni Punsalan at hinikayat niya ang alkalde na harapin na lamang ang kaso.