Pangulong Marcos, nakatakdang makipagkita kay Chinese President Xi Jinping Ngayong hapon sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Thailand.
Magkakaroon na ng bilateral meeting sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangulong Xi Jinping ng Tsina nitong Huwebes ng hapon sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand.
Inaasahang tatalakayin ng dalawang lider ang mga isyu ukol sa West Philippine Sea kung saan ang Manila at Beijing ay may magkakapatong na pag-aangkin at iba pang usapin.
Dagdag dito, isinusulong naman ni Marcos ang pagkumpleto ng West Philippine Sea code of conduct sa mga claimants na kinabibilangan din ng Brunei, Malaysia, Taiwan, at Vietnam.
Kung maaalala, sinabi na rin ni Pangulong Marcos sa pagtatapos ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit, wala pa ring progreso sa mga pagtatangka na i-finalize ang set ng mga panuntunan na naglalayong tiyakin ang kapayapaan at katatagan sa pinagtatalunang contested waterway.
Noong 2016, kinilala ng international arbitral tribunal na sinusuportahan ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang mga karapatan ng Pilipinas sa mga lugar sa loob ng eksklusibong economic zone nito.
Una na ring itinakda ang state visit ng Pangulong Marcos sa China sa susunod na Enero, kung saan nakatakdang makipagpulong muli siya kay President Xi. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)