Pumalo na sa walo ang naitalang nasawi sa Mindanao dulot ng patuloy na umiiral na sama ng panahon na siyang nagdulot na rin ng malawakang pagbaha sa rehiyon.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, pagkalunod ang naging sanhi ng pagkamatay ng walong indibidwal.
Sa datos naman ng ahensya, nasa higit 70,875 na mga pamilya o katumbas ng 345,000 na mga inidibidwal ang kasalukuyang apektado ng baha mula sa 192 mga barangay sa mga rehiyon ng IX, X, XI,XII, at maging sa Bangsomoro Autonomous Region (BAR) kung saan mula sa naturang bilang, 8,000 pamilya na ang kasalukuyang nasa 11 mga evacuation centers sa ibat ibang rehiyon sa bahaging ito ng Pilipinas.
Idineklara na ring nasa ilalim ng State of Calamity na ang buong lalawigan ng Maguindanao Del Sur habang dalawang siyudad naman at munisipalidad mula sa Rehiyon IX at BARMM ang nasa ganitong antas rin.
Samantala, patuloy nman ang mga ahensya ng pamahalaan sa pamamahagi ng mga relief good at hot meals sa mga apektadong residente habang patuloy din sa pagmonitor ang OCD sa mga magiging lagay pa ng panahon sa rehiyon.