Inihayag ng Department of Justice na maaring hindi lamang 34 ang mga nawawalang sabungero kundi posibleng ito’y nasa higit 100 ang mga biktima.
Ito mismo ang ibinahagi ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin Remulla matapos siyang matanong hinggil sa mga hindi pa natatagpuang sabungero.
Ani kasi ng Justice Secretary na base sa mga isinawalat ng nakausap niyang testigo na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ ay maaring ganito karami ang mga biktimang sabungero.
Kung saan nabanggit din raw nito na hindi bababa sa sampung personalidad o mga pangalan ang sangkot umano sa likod ng mga insidente ng pagdukot at pagpatay.
Kaya’t gayon na lamang ang kanyang pagtitiyak sa publiko na kanila ng pinoproseso ang mga hawak na impormasyong ibinahagi nito.
“Basta ang sinasabi niya ay mahigit isang daan (100) ang biktima,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Maaalala na nitong nakaraan lamang ay lumantad ang isa sa mga akusado upang isiwalat ang mga nalalaman nitong impormasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero.
Kinilala siya bilang si alyas ‘Totoy’ kung saan kanyang inihayag na patay at inilibing na umano ang pinaghahanap pang 34 na sabungero.
Kaya’t bunsod ng rebelasyong ito ay nais ng mga kaanak nila na muling makausap ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice.
Agad naman itong sinagot ni Secretary Remulla at tiniyak na kanya silang kakausapin ngunit aniya’y hindi pa ngayon upang mailatag niya umano ng maayos ang mga ibabahaging impormasyon.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin tiyak kung may katotohanan nga ba ang mga rebelasyong ibinulgar ng hindi nagpakilalang testigo hinggil sa mga nawawalang sabungero.
Ngunit sineguro naman ng kagawaran na kanilang gagawin ang lahat para matukoy ang katotohanan sa likod ng naturang isyu na nasa apat na taon ng hindi pa natatagpuan.