-- Advertisements --

Dismayado si Senator Panfilo Lacson sa pagtaas ng alokasyong budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng panukalang P4.5 trillion general appropriations para sa 2021.

Ang malaking katanungan ngayon ng senador ay kung ginawa ito bilang paghahanda sa 2022 elections.

panfilo ping lacson

Hindi raw kasi maikakaila na ang pagdagdag sa pondo ng naturang ahensya ay posibleng dahil sa malawakang realignments at insertions na ginawa umano ng mga mambabatas.

DPWH kasi ang pangalawang ahensya na may pinaka-mataas na alokasyong budget na inaprubahan ng Kongreso na may P694.8 billion.

Mas malaki ito ng P28.3 billion kumpara sa nakasaad sa National Expenditure Program (NEP).

Napansin din ng senador na kahit ang mga multi-purpose buildings na paulit-ulit niyang kinuwestyon sa committee hearings hanggang plenary ay nakakuha pa rin ng mataas na pondo.

Halata umano na nasasayang lamang ang pondo na inilalaan para rito dahil sa palpak na pagpapatupad nng DPWH.

Paglilinaw naman ni Lacson na hindi nito kinukwestyon ang naging proseso ng pagbalangkas sa 2021 budget subalit aminado ito na hindi niya kayang suportahan ang budget bill na hindi niya pa nababasa ang mga detalye ng bicameral conference report.