-- Advertisements --

Humihiling ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Php 5B para sa malawakang dredging at desilting ng mga ilog at estero sa taong 2026 upang matugunan ang patuloy na pagbaha sa mga mabababang lugar sa bansa.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, higit 15 taon nang walang sapat na desilting kaya’t bumaba na ang kapasidad ng mga ilog na magdala ng tubig baha.

Ipinaliwanag ni Bonoan na matagal nang gustong simulan ng ahensya ang programa ngunit hindi naaprubahan ang budget para sa mga kailangang kagamitan. Upang maiwasan din ang alegasyon ng katiwalian, plano niyang ang DPWH mismo ang magsagawa ng dredging imbes na ipa-kontrata.

Sa ngayon, umabot na sa 9,800 flood control projects ang natapos ng DPWH mula 2022, habang 5,700 pa ang kasalukuyang ginagawa.

Samantala, inihayag rin ni Bonoan na posibleng ipagpaliban hanggang 2027 ang rehabilitasyon ng EDSA, dahil kasalukuyan pa rin na pinag-aaralan ang paggamit ng mas mabilis at modernong teknolohiya upang hindi maantala ang daloy ng trapiko.

Orihinal na nakatakda ang proyekto noong Hunyo ng kasalukuyang taon ngunit sinuspinde ito upang pag-aralan kung may teknolohiyang maaaring gamitin na mas mabilis at hindi kailangan ng matagal na lane closures.

Dahil sa paparating na ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas sa 2026, sinabi ni Bonoan na hindi praktikal simulan ang proyekto sa panahong iyon.

Tinatayang aabutin ng anim na buwan ang buong rehabilitasyon gamit ang bagong teknolohiya, na posibleng gumastos ng mahigit 17B ngunit maaaring magkaroon ng pagbabago sa budget depende sa teknolohiyang gagamitin sa proyekto.