-- Advertisements --
sibuyas

Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naaresto ng mga awtoridad ang big-time onion smuggler sa lalawigan ng Batangas.

Naaresto ng police operatives ang natukoy na onion smuggler si Jayson de Roxas Taculog dakong alas-3 ng hapon noong araw ng Miyerkules para sa paglabag sa Republic Act No. 10845 o ang batas na nagdedeklara sa malawakang agricultural smuggling bilang economic sabotage.

Inisyu ang warrant of arrest sa nasabing indibidwal ng Manila Regional Trial Court Branch 26 nang walang inirekomendang piyansa.

Ayon kay Sec. Laurel, umpisa pa lamang ang pagkakaaresto sa big-time onion smuggler at patulong pang tutugisin ng ahensiya sa tulong ng law enforcement, korte at lokal na pamahalaan ang mga smuggler at sumasabotahe sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Maliban pa sa hindi pagbabayad ng buwis at duties, kinasuhan din si Taculog ng misclassification, undervaluation o misdeclaration ng import entry at revenue declaration na isinumite sa Bureau of Customs.

Kapag mapatunayang guilty si Taculog, mahaharap ito sa panghabambuhay na pagkakakulong at maaaring magmulta ng doble pa sa fair value ng ipinuslit na agricultural products at pinagsama-samang halaga ng buwis, duties at iba pang charges na iniwasan nitong bayaran.

Una rito, nakumpiska ng DA kasama ang PCG at BOC ang P78.9 million halaga ng iligal na inangkat na agricultural goods na ipinadala sa Taculog J International Consumer Goods Trading sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023.

Ang pagkakaaresto sa naturang onion smuggler ay alinsunod sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na habulin ang mga smuggler at hoarders.

Ang marching order na ito ng Pangulo ay bunsod na rin ng pagsipa ng presyo ng sibuyas noong Setyembre 2022 at nag-peak noong Enero 2023 sa pagitan ng P400 at P700 kada kilo.