-- Advertisements --

Hindi pabor si Vice President Sara Duterte sa lahat ng uri ng online gambling.

Ito ang naging posisyon ng Bise Presidente sa isyu ng online gambling sa gitna ng malawakang paglaganap nito sa bansa na nagbunsod sa ilang mambabatas na magpanukala ng batas para ipagbawal na ito ng tuluyan.

Sa isang panayam kay VP Sara sa The Hague, Netherlands, binigyang diin ng opisyal ang panganib na naidudulot ng online gambling partikular na sa mga kabataan dahil hindi sila nababantayan o nakokontrol ng kanilang mga magulang sa kanilang pag-access sa internet.

Saad pa ni VP Sara na ginawang madali ang online gambling para madali ding makapaghuthot ng pera mula sa mga tao at sa oras na malulong na sa sugal nagdudulot ito ng problema sa mga pamilya dahil sa pagkalubog sa utang at nakakasira din sa kinabukasan ng mga kabataan.

Sa kabila nito, pabor ang Bise Presidente na i-regulate ang online gambling kung saan hindi lahat ay may access sa gambling sites.

Samantala, sa panig naman ng Malacañang, nauna ng sinabi ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na ang anumang desisyon sa pagbabawal sa online gambling ay hindi dapat gawin nang madalian matapos ihayag ni Sen. Raffy Tulfo ang kagustuhan niyang tugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang isyu sa kanyang ikaapat na ulat sa bayan sa Hulyo 28.