-- Advertisements --

Bumaba na ng mahigit 81% ang bilang ng mga power consumer sa ilalim ng Meralco na nakakaranas ng power interruption dahil sa matinding pagbaha.

Batay sa report na inilabas ng Department of Energy (DOE) ngayong July 23, mula sa dating 69,376 consumer kahapon, tanging 12,780 na lamang ang wala pang supply ng kuryente.

Mahigit sampung libo (10,000) sa kanila ay mula sa probinsya ng Cavite habang 1,792 ay mula sa Metro Manila. Ang nalalabi ay pawang mula sa probinsya na ng Bulacan.

Ayon sa DOE, masusi nitong binabantayan ang supply ng kuryente sa buong bansa sa kabila ng mga mabibigat na pag-ulan at malawakang pagbaha.

Binabantayan din ng ahensiya ang magiging pagtugon ng mga power distributor at mga electric cooperative sa mga kabahayan at komunidad na unang nawalan o pansamantalang pinutulan ng supply upang kaagad maibalik, oras na ligtas nang isagawa ang restoration operation.

Samantala, ipinaalala rin ng ahensiya ang pag-iral ng price freeze sa mga liquified petroleum gas (LPG) sa mga lugar na una nang isinailalim sa state of calamity.

Ayon sa DOE, hindi pwedeng taasan ang kasalukuyang presyo ng LPG sa mga naturang lugar ngunit maaari namang magpatupad ang mga kumpaniya o outlet ng rollback sa mga naturang produkto.