Naniniwala si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na panahon na para ipasa at aprubahan ang panukalang batas na siyang maglalarawan sa mga archipelagic sea lanes ng Pilipinas bilang isang paraan upang hadlangan ang hindi awtorisadong pagdaan ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa loob ng territorial waters at airspace ng bansa.
Hinimok ng mambabatas ang mga kapwa lawmakers sa Kamara na ipasa at aprubahan na ang panukalang archipelagic sea lanes bill.
Ginawa ni Yamsuan ang panawagan kasunod ng nakakatakot at napaka delikadong aksiyon ng China sa West Philippine Sea na nagresulta sa pagbangga ng Chinese vessels sa barko ng Pilipinas na nagsasagawa lamang ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Kongresista nakikiisa sila kay Speaker Martin Romualdez na kinokondena ang ginawang delikadong aksiyon na nagdudulot ng banta sa regional peace and stability at lantarang paglabag sa international laws.
Ipinunto ni Yamsuan, sa kabila ng hindi pagkilala ng China sa freedom of navigation sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas dapat ng kumilos nang mabilis gobyerno upang hindi na manghimasok sa teritoryo ng bansa ang mga ito at magsagawa ng anumang uri ng aktibidad nang walang pahintulot ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Yamsuan ang pagtatatag ng archipelagic sea lanes ng Pilipinas at pagpapatupad ng Maritime Zones Act ay parehong magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas na may kinalaman sa pag-oobliga sa ibang mga bansa na sumunod sa mga probisyon ng internasyonal na batas.
Sa ngayon lusot na sa third and final reading ang House Bill (HB) 7819 o ang panukalang Maritime Zones Act, na nagtatakda ng pangkalahatang deklarasyon ng mga maritime zone sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas, kabilang dito ang panloob na tubig nito, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, EEZ at continental shelf.
Isa si Yamsuan sa principal authors ng House Bill 9034, ito ay consolidation ng ibat ibang panukalang batas.
Ayon sa Bicol solon, mas nagiging mapangahas na ang Tsina at kahit nasa loob ng EEZ ng bansa ay walang takot na gumawa ng mga iligal na aktibidad kaya huwag ng hintayin na makapasok silang muli na wala na tayong pwede gawin kundi maghain ng protesta.
Sa sandaling maging ganap na batas ang panukala, mahaharap sa parusa ang mga dayuhang sibilyang barko at sasakyang panghimpapawid na lumalabag sa mga probisyon ng panukala.
Ang mga paglabag ay maaaring parusahan ng pagkakulong mula anim na buwan at 1 araw hanggang dalawang taon at dalawang buwan o multang USD1.2 milyon.