-- Advertisements --

Tinuligsa ni U.S. President Donald Trump ang plano ni Elon Musk na bumuo ng bagong partidong pulitikal na tinawag niyang “America Party,” na para sa Presidente ay isang “ridiculous” o katawa-tawa at magbibigay lamang aniya ng “confussion” sa bawat botante.

Ayon pa kay Trump, sapat na ang dalawang partidong umiiral sa Amerika at hindi umano nagtatagumpay ang mga third party sa pagbuo ng mga ganitong hangarin.

‘I think it’s ridiculous to start a third party. We have a tremendous success with the Republican Party. The Democrats have lost their way, but it’s always been a two-party system, and I think starting a third party just adds to confusion,’ ani Trump.

‘It really seems to have been developed for two parties. Third parties have never worked, so he can have fun with it, but I think it’s ridiculous,’ dagdag pa ng Pangulo.

Ginawa ni Trump ang pahayag bago sumakay sa Air Force One pabalik ng Washington.

Ang bagong partido ni Musk ay tugon sa bagong batas ng administrasyong Trump na ‘tax-cut at spending bill,’ na nilagdaan noon ni Trump, na kalaunan ay kinondena ni Musk dahil delikado aniya ito sa ekonomiya ng bansa.

Maalalang nagsimula ang hidwaan ng dalawa matapos mawala ang green-energy credits para sa Tesla sa ilalim ng bagong batas.

Nagbanta rin si Trump na maaaring bawiin ang mga kontrata at subsidiya ng pamahalaan sa Tesla at SpaceX. Dagdag pa ni Trump, hindi raw nararapat na italaga si Jared Isaacman, na kaalyado ni Musk, bilang bagong pinuno ng NASA dahil sa conflict of interest.

‘I also thought it inappropriate that a very close friend of Elon, who was in the Space Business, run NASA, when NASA is such a big part of Elon’s corporate life,’ post ni Trump sa kanyang Truth Social. ‘My Number One charge is to protect the American Public!,’ dagdag pa nito.

Samantala, ipinagpaliban ng Azoria Partners ang paglulunsad ng kanilang Tesla-focused investment fund dahil sa bagong partido ni Musk, na itinuturing nilang sagabal sa kanyang tungkulin bilang CEO ng kumpanya.