Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) ang agarang pagtugon sa natanggap na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga senador, kongresista, atbpang indibidwal na umano’y sangkot sa malawakang flood control scandal sa bansa.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, agad ipinasok ng BI ang naturang listahan sa centralized database ng naturang kamanihan.
Dito ay mahigpit aniyang babantayan ang biyahe ng mga indibidwal na kasama sa lookout bulletin.
Unang hiniling ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Departmen of Justice (DOJ) ang pag-isu ng lookout bulletin laban sa mga naturang indibidwal, kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng komisyon sa iskandalong bumabalot sa mga public infrastructure project, lalo na ang mga flood control project.
Napabilang dito ang pangalan nina dating House Speaker Martin Romualdez, former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, Senator Joel Villanueva, Senator Francis “Chiz” Escudero, atbpang dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inaasahang madadagdagan pa ng pangalan ang naturang listahan, habang gumugulong ang ICI investigation.