-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa tatlong pinaghihinalaang pekeng Pilipino sa magkakahiwalay na operasyon sa Pampanga. 

Ibinahagi ni BI Commissioner Joel Viado ang pag-aresto sa isang lalaking Chinese national na kinilalang si Lin Yi, 35, noong Hulyo 31 sa isang business establishment sa Pandan Road, Lungsod ng Angeles, Pampanga.

Ang pag-aresto ay bunsod ng isang anonymous na reklamo laban kay Lin, na natuklasang nagpapatakbo ng negosyo ng carwash sa lugar. 

Iniulat ng nagreklamo na gumagamit umano si Lin ng pagkakakilanlan bilang Pinoy sa kanyang mga transaksyon sa negosyo. 

Nakatanggap ang BI ng kopya ng birth certificate ni Lin na late at kahina-hinala ang pagpaparehistro, pati na rin ng Philippine identification card at official receipt para sa driver’s license sa bansa. 

Natuklasan din na si Lin ay may hawak na working visa na valid hanggang 2027 sa ilalim ng kanyang Chinese identity.

Samantala, sa isang residential unit sa Sarmiento St., Malabanias, Lungsod ng Angeles, Pampanga, naaresto si Yan Yize, 30.

Naaresto rin sa Brgy. Panipuan, Mexico, Pampanga si Wang Jiangyi, 55.

Ayon sa government intelligence forces, kapwa gumagamit ng pagkakakilanlang Pilipino ang dalawa at umano’y may hawak ng late-registered Philippine birth certificate, BIR TIN identification, at business registration  sa Securities and Exchange Commission. 

Sinasabing konektado sila sa isang construction at development corporation na umano’y ginagamit bilang paraan para sa land acquisition activities.