Sinalakay ng Bureau of Immigration (BI) katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang isang crypto-scam hub na umano’y pinapatakbo ng mga Chinese national sa isang tirahan sa Lungsod ng Pasay.
Isinagawa ang operasyon noong Hulyo 30 sa isang condominium building sa Robert Street, kahabaan ng Roxas Boulevard.
Nagresulta ang raid sa pagkakaaresto ng dalawampung Chinese nationals—labingwalo ang lalaki at dalawa ang babae—na nahuli sa aktong nagsasagawa ng hinihinalang cryptocurrency scam mula sa ilang yunit ng tirahan.
Ayon sa ulat, ang grupo ay sangkot sa mga panloloko gamit ang digital currencies gaya ng Bitcoin at Ethereum, kung saan nililinlang nila ang mga biktima upang isuko ang kanilang digital assets o ibunyag ang sensitibong personal na impormasyon.
Kinumpirma ni FSU Chief Rendel Ryan Sy na ang mga suspek ay aktibong nag-ooperate mula sa ika-18 at ika-20 palapag ng nasabing condominium complex.
“Our agents caught them in the act. The operation was swift and precise,” ani Sy. “We are now in the process of verifying their identities, immigration records, and criminal histories in China through our counterparts,” dagdag niya.
Sa ngayon, ang mga naarestong dayuhan ay nakakulong sa pasilidad ng BI sa Taguig habang isinasagawa ang proseso ng kanilang deportation.