Pokus ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na alisin ang agam-agam ng publiko hinggil sa pagkain ng tawilis at tilapia na mula sa Taal Lake matapos na pumutok ang balita na ginawang tapunan ng mga labi ng mga nawawalang sabungero ang naturang lawa.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance at Spokesperson Engr. Arnel De Mesa, sa huling datos ng monitoring ng BFAR, may naging pagtaas sa presyo ng tilapia dahil nililimitahan pa aniya ang paghuli bunsod ng kakaunting tumatangkilik nito sa ngayon.
Aniya, gumgawa na ng mga sapat at karampatang aksyon ang BFAR Region IVA sa pangunguna ni Dir. Sammy Malvas para maalis ang takot na nararamdaman ng publiko sa pagkain ng mga naturang produkto.
Paliwanag pa ni De Mesa, nilinaw niya na ang kinakain ng mga tawilis hindi lamang sa Taal Lake ay mga plankton at hindi rin aniya ito sumisisid sa malalalim na bahagi ng lawa para kumain ng kung ano pa man.
Nilinaw din ng tagapagsalita na ang tilapia naman ay kumakain lamang ng commercial feeds habang ang maliputo naman ay kumakain ng mga buhay na isda at parehong hindi kumakain ng mga decay mmater na matatagpuan sa lawa.
Samantala, patuloy naman ang mga additional examinations ng BFAR at iba pang mga lab tests para matiyak na ligtas kainin ang mga lamang dagat na mahuhuli sa lawa ng Taal.
Sa darating na Martes naman Hulyo 22 ay magsasagawa ng pagpupulong ang DA katuwang ang BFAR para sa konsultasyon sa mga mangingisda sa Batangas para pagusapan ang mga concerns ng sektor na ito.