-- Advertisements --

Idinetalye ng state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nagulat siya nang makita si dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III sa isang safehouse na inialok sa kaniya sa gitna ng takot para sa kaniyang seguridad at kaniyang pamilya.

Sa ikawalong Senate hearing sa flood control anomaly, inamin ni Bernardo na matapos ang una niyang pagtestigo sa Senate hearing noong Setyembre 25, nakaramdam siya ng takot para sa kaniyang seguridad at ng kaniyang pamilya.

Sa tulong ng isang kaibigan at isang respetadong pari, inalok siya ng safehouse kasama ang kaniyang pamilya at abogado, kung saan niya nakadaupang-palad si Torre na noo’y four-star general ngunit nasa floating status.

Tinalakay umano nila ang usapin ng seguridad, subalit naglatag si Torre ng ilang restriksiyon sa loob ng safehouse.

Nagpaalam muna si Bernardo na umalis ng safehouse para sa medical check-up at nangakong babalik pagkalipas ng dalawang araw, ngunit hindi na siya bumalik at naputol ang kanilang komunikasyon.

Sa Senate hearing, inusisa rin ni Sen. Panfilo Lacson kung sa anong awtoridad nagbibigay ng proteksiyon si Torre, at inamin ni Bernardo na kahit siya’y napaisip, subalit nagtiwala siya dahil nirefer si Torre ng kaniyang spiritual adviser. Binanggit din ni Bernardo na madalas lumalabas si Torre habang sila’y nag-uusap at may tinatawagan.

Ayon pa kay Sen. Lacson na may lumutang ding tsismis na may hawak umanong iba pang testigo si Torre, bagama’t hindi malinaw ang motibo nito.

Matatandaan, nauna ng napaulat na inalok umano ni Torre si Bernardo ng seguridad matapos makaladkad ang pangalan ng huli sa kontrobersiya sa flood control projects.