CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi prayoridad ng Marcos Administration ang pagbebenta ng Benteng Bigas Meron Na o BBM rice para sa nakararami.
Inihayag ni Bantay Bigas Co-convenor Cathy Estavillo na piling-pili at mahirap makakuha ng bigas na nagkakahalaga ng ₱20 kada kilo dahil limitado lang ang distribusyon, nanghihingi pa ng ID, at kailangang pumila nang matagal para makabili ng hanggang 10 kilo.
Kinondena ng grupo ang pagbili ng gobyerno ng palay mula sa mga magsasaka sa halagang ₱6 kada kilo, malayo sa dating presyo na ₱12, kasabay ng paglabas ng “BBM Rice.”
Para sa grupo, peke o “artipisyal” ang solusyong ito sa pangakong ₱20 kada kilo, dahil ang mga mamamayang nagbabayad ng buwis ang nagsusubsidiya sa programa pero hindi naman sila direktang nakikinabang.
Sinisi rin ng grupo ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law (RA 11203) dahil ito ang naging ugat ng sunod-sunod na pagbagsak ng kita ng mga magsasaka, kung saan binigyan ng administrasyon ng kapangyarihan ang mga rice traders na kontrolin ang merkado at pumasok ang maraming rice importers sa bansa.