Inanunsyo ng Meralco na bababa ang singil sa kuryente ngayong Hunyo, sa P0.1076 kada kilowatt-hour (kWh), mula P12.2628 noong Mayo patungong P12.1552 ngayong buwan.
Katumbas ito ng humigit kumulang na P22 bawas sa bill ng karaniwang bahay na kumokonsumo ng 200kWh kada buwan.
Ang pagbaba ng singil ay bunsod ng mas mababang generation charge, kahit pa bahagyang tumaas ang transmission charge. Bumaba ang bayad mula sa Power Supply Agreements (PSAs), Independent Power Producers (IPPs), at Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa mas mababang presyo ng fuel at mas mataas na supply.
Sa kabilang banda tumaas naman ng P0.0214 per kWh ang transmission charge dahil sa mas mataas na ancillary service charges mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Samantala nanatiling hindi nagbabago ang distribution charge ng Meralco mula pa noong Agosto 2022, at tuloy-tuloy pa rin ang P0.2024 per kWh na bawas sa ilalim ng distribution-related true-up adjustment.
Muling pinaalalahanan ng Meralco ang mga kwalipikadong senior citizen at mga benepisyaryo ng 4Ps na mag-apply sa lifeline rate at senior citizen discount upang makatanggap ng karagdagang diskuwento sa kanilang bill sa kuryente.