Nagbabala si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa mga mahilig magbiro at gumawa ng “prank” ukol sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Gatchalian, aprubado na sa kanilang syudad ang City Ordinance 708 o ordinansang nagbabawal sa “COVID jokes.”
Nangangahulugan ito na mapaparusahan ang sinumang magpapanggap na may COVID o magbibiro ng anumang bagay na maaaring magdulot ng takot ukol sa nasabing deadly virus.
“Bawal ang #COVID19 jokes sa Valenzuela City! Ipinagbabawal ang paggamit ng COVID-19 sa katatawanan katulad ng pagpapanggap o pag-aakusa kaninuman ng pagiging positibo sa sakit na ito nang wala namang katotohanan,” saad ng abiso mula sa Valenzuela City social media.
Maging ang verbal na biro o sa pamamagitan ng telepono, social media, liham at iba pang pamamaraan ay sakop din ng parusa.
Aabot sa P5,000 ang parusa sa bawat violation o community service na itatakda ng nakakasakop na opisyal.