-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi maaaring isagawa ang pag-aresto sa loob ng gusali ng Senado sa sinumang miyembro ng kanilang kapulungan.

Ito ay sa gitna ng mga ulat ukol sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Dagdag pa niya, ang Senado ay isang institusyong demokratiko na may sariling proseso, at anumang hakbang ng pag-aresto ay dapat igalang ang dignidad ng institusyon.

Una rito, sinabi ni Ombudsman Crispin “Boying” Remulla na may arrest warrant na umano mula sa ICC laban kay Dela Rosa kaugnay sa mga alegasyon ng crimes against humanity sa ilalim ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Bagamat hindi pa kumpirmado ng ICC ang warrant sa publiko, nananatiling mainit ang usapin sa pagitan ng human rights advocates at mga tagasuporta ng dating administrasyon.

Samantala, nananatiling tahimik si Senador Dela Rosa sa isyu, habang ang Department of Justice ay nagsabing wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa ICC.

Maging ang ICC ay nagsabing wala pa silang inilalabas na impormasyon ukol sa warrant of arrest ng senador.

Sinabi ni ICC spokesman Dr. Fadi El Abdallah sa Bombo Radyo na lahat ng opisyal na pahayag ay dadaan sa kanilang tanggapan.