Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating President Rodrigo Duterte na makuha ang pribadong komunikasyon sa pagitan ng Registry ng korte at ng mga independent medical expert na nagsuri sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.
Sa desisyong may petsang Disyembre 23, 2025, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na nabigo ang depensa na patunayan ang pangangailangan para sa agarang pagbubunyag ng mga email, liham, at tala ng pag-uusap sa pagitan ng Registry at ng medical panel.
Ayon sa korte, ang Registry ay isang “neutral organ” na nagsisilbing tagapamagitan lamang ng mga instruksyon sa mga eksperto. Dagdag pa ng ICC, hawak na ng depensa ang lahat ng impormasyong kailangan nito, kabilang ang mga dokumentong ipinadala sa panel.
Binanggit din ng mga hukom na malinaw sa mga ulat ng mga eksperto, na ipinadala noong Disyembre 5, 2025, ang mga materyales at gabay na ginamit sa kanilang pagsusuri.
Nauna nang iniutos ang medical examination matapos humiling ang kampo ni Duterte ng indefinite adjournment ng mga pagdinig. Nanawagan naman ang Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang proceedings, iginiit na nagkukunwari umano si Duterte ng cognitive impairments—isang paratang na mariing itinanggi ng depensa.
Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa ICC detention center sa The Hague at nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng extra-judicial killings sa kanyang giyera kontra droga.
















