KALIBO Aklan — Hindi naging malubha ang pinsalang dulot ni Bagyong “Tino” sa isla ng Panay, ayon sa Office of the Civil Defense Region 6 (OCD-6).
Ayon kay Raul Fernandez, direktor ng OCD region 6, bagama’t inaasahang direktang tatama ang bagyo sa hilagang bahagi ng Panay, ay bahagya itong lumihis dahilan upang makaiwas ang rehiyon sa mas matinding pinsala.
Gayunpaman, ang buntot ng bagyo ang nagdulot ng pabugso-bugsong ulan at malalakas na hangin, matapos itong manatili ng halos dalawang oras sa karagatang sakop ng Iloilo at Guimaras.
Sa kanilang isinagawang aerial assessment, natukoy na hindi rin gaanong naapektuhan ang Guimaras Island, Southern Iloilo, at Aklan.
Samantala, tatlo ang naiulat na nasawi sa Western Visayas bunsod ng pagbaha sa ilang bahagi ng Capiz at pagguho ng lupa sa Antique.
Sa kasalukuyan, patuloy nilang tinutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayang naapektuhan ng bagyo.
Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pamamahagi ng mga relief packs na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dagdag pa ni Fernandez, nakahanda na rin ang mga lokal na tanggapan sa posibleng maging epekto ng paparating na bagyong “Uwan”, kung saan inaasahang maaaring magkaroon ng storm surge at landslide sa ilang bahagi ng rehiyon.














