-- Advertisements --

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso na bilisan ang pagpasa ng batas para sa paglikha ng departamento para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi masyadong natututukan ang mga OFWs dahil napakalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kasalukuyang may mandato rito.

Ayon kay Pangulong Duterte, maging ang hiwalay na ahensya para sa mga seafarers ay ikinokonsidera rin nitong itatag.

Noong Marso, ipinasa ng Kamara ang panukalang batas para malikha ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment.

Nitong Hulyo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), inihirit ni Pangulong Duterte ang pagpasa ng nasabing panukalang batas para matugunan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs.

“Itong sa overseas workers, ang ano nito ang rationale, if you may, na wala masyadong focus. Kasi kalaki ng Department of Labor, isa lang ‘yan dito, isang department lang ‘yan,” ani Pangulong Duterte.