-- Advertisements --

Nanawagan si Kamanggagawa Party-list Representative Elijah San Fernando kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-prayoridad at sertipikahan bilang urgent ang House Bill 4453. Ang apela ay naglalayong mapabilis ang pagpasa ng panukalang batas na ito sa Kongreso.

Ang nasabing panukala, na inihain ng Liberal Party bloc, kasama ang Akbayan Party-list at iba pang minority lawmakers sa Kamara, ay may layuning isabatas ang pagbuo ng isang independent commission. Ang komisyong ito ay itatalaga upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga sinasabing maanomalyang flood control project sa buong bansa. Ang layunin ng imbestigasyon ay alamin kung saan napunta ang pondo at kung may naganap na korapsyon sa mga proyekto.

Ayon kay San Fernando, kung talagang seryoso ang kasalukuyang administrasyon sa paglaban sa korapsyon at sa pagtiyak na maayos na pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan, dapat itong i-certify as urgent upang mabilis na umusad ang panukala at maging ganap na batas. Sa pamamagitan ng pagiging urgent nito, mas mabilis itong matatalakay at mapagdedesisyunan sa Kongreso.

Mariing giit niya, hindi na sapat na may mga pinapangalanan lamang na sangkot sa mga anomalya. Dapat may gumulong na ulo at mapanagot ang mga taong responsable sa mga katiwalian na ito. Kailangang managot ang mga opisyal at indibidwal na nagkasala at nagwaldas ng pera ng bayan sa mga proyekto ng flood control.

Ang naturang komisyon na bubuuin ay pangungunahan ng limang indibidwal na walang kasalukuyang posisyon sa gobyerno upang masiguro ang kanilang pagiging impartial at walang kinikilingan sa kanilang pagsisiyasat.

Kabilang sa mga miyembro ng komisyon ay isang retiradong justice ng Supreme Court, isang public accountant na eksperto sa forensic accounting o auditing upang siyasatin ang mga dokumento at transaksyon, isang industry leader partikular ay isang engineer na may kaalaman sa mga proyekto ng imprastraktura, isang respetadong academician na maalam sa public finance, economics o urban and regional planning, at isang prominenteng kinatawan mula sa private sector or civil society upang magkaroon ng iba’t ibang pananaw sa komisyon.

Mayroon ding isang kahalintulad na panukala na naihain sa senado, na nagpapakita ng suporta sa parehong kapulungan ng Kongreso para sa pagbuo ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa mga flood control projects.