-- Advertisements --

Nagbigay babala ang Department of Justice sa mga opisyal ng gobyerno at mga kontratista na sangkot sa maanomalyang flood control projects. 

Binalaan mismo ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang mga ito sa kanilang pagkakadawit sa naturang isyu ng korapsyon. 

Babala ni Justice Secretary Remulla posibleng kaharapin ng mga nasasangkot sa kontrobersiya ang parusang ‘life imprisonment’ sa oras maisampa na ang kaso laban sa mga ito. 

Ani pa niya’y maging ang ‘forfeiture’ o pagbawi ng mga ari-arian nito mula sa nakamal na perang galing sa pondo ng bayan ay kanila ring ikinukunsidera. 

Kaya’t hinimok at paalala ng kalihim sa mga sangkot na indibidwal ay makipag-ugnayan o tuluyan ng magsalita ukol sa mga nalalaman kaugnay sa isyu ng ghost projects. 

Sakaling ibalik man ng mga kontratista o opisyal ng gobyerno ang kanilang mga nakuhang pera, giit ni Justice Secretary Remulla, dadaan pa ito sa masusing mga pagsusuri. 

Isasailalim aniya ang mga ito sa forensics accounting upang matiyak ang katotohanan sa kanilang mga idineklarang halaga ng pera. 

Samantala, positibo namang ibinahagi ng kalihim na ang ipinakikilos nitong kawanihan National Bureau of Investigation ay mayroon ng nadidiskubre sa kanilang pag-iimbestiga. 

Kasunod ng pakilusin ang Anti-Graft Unit nito, ani Sec. Remulla, ibinahagi na sa kanya ang ilang findings ng grupo. 

Ang naturang Anti-Graft Unit ng National Bureau of Investigation ay ang siyang grupo na inatasan ng Department of Justice na tututok sa imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects. 

Kabilang rito ang ilang propesyunal partikular ng mga bihasa sa forensics accounting para bigyan pokus ang pagsusuri sa mga perang mula sa ghost projects. 

Bunsod nito’y inaasahan na sa pamamagitan ng ‘findings’ ng kawanihan ay makapagsasampa na ng kaukulang kaso ang Department of Justice. 

Kabilang sa mga kasong maaring isampa ay ‘plunder’ at ‘malversation of public funds’ laban sa mga opisyal nakinabang sa kontrobersiya. 

Sa kasalukuyan, wala pang ibinabahagi ang kalihim sa kung mayroon na bang opisyal ang hayagan nagsalita para ibalik nito ang perang nakamal mula sa maanomalyang ghost projects ng pamahalaan.