Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas para hindi na kailangang makulong pa ang sino mang nakalabag.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11362 na pirmahan ni Pangulong Duterte nito lamang Agosto 8, pinapayagan na ang mga korte na gawing community service lang ang parusang arresto menor o pagkakakulong ng isang araw hanggang 30 araw at arresto mayor o pagkakakulong na maaaring umabot hanggang anim na buwan.
Nabatid na kalimitang napapatawan ng parusang arresto menor at arresto mayor ang mga maituturing na light offenses gaya ng alarm at scandal, malicious mischief o ang intentional na pagsira ng gamit ng iba, panggugulo sa isang religious activity at iba pa.
Batay sa bagong batas, isasagawa dapat ang community service sa lugar kung saan ginawa ang krimen at ang korte ang siyang tutukoy sa haba ng community service depende sa bigat ng kasalanan.
Kailangan ding sumailalim ang may sala sa rehabilitative counseling na pangungunahan ng social welfare and development officer na nakasasakop sa lugar.
Pero bago payagan ang community service, dapat isaalang-alang daw ng korte ang komunidad at ang posibilidad na uuli muli ang isang may sala.
Nakapaloob din sa batas na sakali mang lumabas sa terms ng community service ay isang defendant, may kapagyarihan pa rin ang korte na ipag-utos muli ang pagkakaaresto sa kanya.
Naatasan ang Department of Justice at ang Department of Social Welfare and Development na bumuo ng implementing rules and regulations, 90 araw matapos ang effective date ng batas.