-- Advertisements --

Sa gitna ng imbestigasyon ukol sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project, ibinahagi ng aktor na si Barron Geisler ang sarili niyang karanasan sa isang umano’y tiwaling contractor sa Cebu na aniya’y konektado sa isang kilalang politiko.

Sa isang Facebook post noong Agosto 25, sinabi ni Geisler na hindi tinapos ng contractor ang kanilang proyekto mahigit dalawang taon na ang nakalipas, sa kabila ng kabuuang bayad na kanilang naibigay.

“May contractor na nangloko sa amin dito sa Cebu. Connected sa malaking politician,” ani Geisler. “Pinadalhan namin ng demand letter 3 times or more. Tapos binlock na ako sa FB. Pina sa Diyos ko na lang.”

Dagdag pa niya, posible umanong ginamit sa kampanya ang perang ibinayad nila, ngunit natalo rin ang naturang politiko. “Okay lang, si God naman always fights for my battles,” aniya, sabay sabing naka-move on na sila ng kanyang asawa na si Jamie Evangelista.

Hindi pinangalanan ni Geisler ang contractor o ang politiko, ngunit may iniwang mga pangalan sa comments section ng kanyang post na maaaring may kaugnayan sa kanyang reklamo.

Ang pahayag ng aktor ay lumabas kasabay ng ulat ukol sa pag-subpoena sa mga contractor na hindi dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng flood control fund anomalies, ayon kay Senate President Chiz Escudero.