Namataan ang barko ng China Coast Guard na umalis mula sa Manila Bay sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa pagbayo ng bagyong Emong sa bansa.
Ito ay base sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell.
Aniya, umalis ang CCG vessel na may hull number 3304 kagabi, Hulyo 23 matapos ang aniya’y pagsasagawa nito ng intrusive patrol simula noong araw ng Lunes, bago ito dumating sa Manila Bay.
Lumalabas din na pansamantalang sinuspendi ng China ang exclusion zone enforcement nito sa Panatag Shoal dahil sa bagyong Emong.
Ang naturang kilos ng barko ng China ay para ipakita aniya ang paggiit nito ng kanilang soberanya sa pinagtatalunang karagatn kabilang na ang West Philippine Sea, na nauna ng pinawalang bisa ng 2016 Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas.
Ayon kay Powell, nagsagawa din ng ikalawang intrusive patrol malapit sa Manila Bay ang barko ng China sa sa layong 50 nautical miles lamang mula sa baybayin ng Luzon habang abala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagsagip sa mga binahang mga biktima ng kalamidad sa bansa.
Samantala, sinabi naman ni Powell na hindi malinaw kung bumalik ang naturang barko sa daungan ng mainland ng China.
Subalit ayon kay Powell, posibleng bumalik ang China Coast Guard at militia vessels sa Scarborough shoal para ipagpatuloy ang kanilang exclusion zone enforcement laban sa Pilipinas sa oras na gumanda na ang lagay ng panahon.