NAGA CITY – Ipinasailalim na ng provincial government ang Camarines Sur sa Red Alert Status dahil sa banta ng Bagyong Ursula.
Kaugnay nito, nagbaba na rin ng memorandum si CamSur Governor Migz Villafuerte na nag-uutos sa mandatory preemptive evacuation sa mga barangay na posibleng maapektuhan ng mga pagbaha, pagguho ng lupa at storm surge.
Ayon sa gobernador, dapat mailikas na ang mga residenteng nananatili sa mga high risk areas sa bago mag alas-2:00 ng hapon.
Maliban dito, ipinatupad na rin ang “No Sail Policy’ sa lahat ng mga pantalan at coastal areas sa lalawigan.
Naka-activate na rin ang mga Emergency Operations Center sa lahat ng bayan para sa mabilis na magresponde lalo na sa mga hindi inaasahang pangyayari sa gitna ng masamang lagay ng panahon.
Sa ngayon, nasa ilalim pa rin ng signal No. 1 ang Camarines Sur.