-- Advertisements --

Mariing tinututulan ng Senior Citizens Party-list ang anumang uri ng patronage politics at buong pusong nangangako na makikipagtulungan nang malapit sa iba’t ibang civil society watchdogs upang masiguro ang maayos at tapat na pagbabantay sa pagpapatupad ng 2026 national budget.

Ayon sa pahayag ni Cong. Rodolfo Ordanes, ang pagsasagawa ng public livestreaming ng bicameral conference para sa 2026 national budget ay isang napakahalagang at positibong hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas malinaw, transparent, at bukas na proseso ng pagbabadyet.

Inaasahan niya na ang nasabing hakbang ay magiging isang pamantayan o standard practice sa pagtalakay at pagpasa ng iba pang mahahalagang panukalang batas sa hinaharap.

Binigyang-diin ni Rep. Ordanes na mahigpit nilang iiwasan ang anumang uri ng partisipasyon o pakikialam sa implementasyon ng mga programa ng ayuda na nakapaloob sa budget, alinsunod sa special provision ng 2026 national budget na nagbabawal sa ganitong gawain.

Tiniyak niya na ang kanilang partido ay hindi dadalo sa anumang pamamahagi ng tulong o gagamit ng anumang tarpaulin o iba pang materyales ng kanilang partido sa mga lugar ng distribusyon upang maiwasan ang anumang hinala ng pamumulitika.

Sa halip, ang kanilang pangunahing pagtutuunan ng pansin ay ang mahigpit na pagbabantay at pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga mahahalagang programa tulad ng social pension para sa mga senior citizen, ang pagbibigay ng centenarian benefits sa mga umabot sa 100 taong gulang, at iba pang programang tulong na nakalaan para sa mga nakatatanda.

Layon nito na matiyak na ang mga pondo ay mapupunta lamang sa mga karapat-dapat na benepisyaryo at hindi sa iba.