-- Advertisements --

Mahigpit na mino monitor ng Pilipinas ang sitwasyon sa Venezuela kasunod ng mga ulat hinggil sa ikinakasang malawakang operasyong militar sa pangunguna ng US forces.

Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Angelica Escalona, nananawagan ang Pilipinas sa lahat ng panig na resolbahin ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan at umiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala pa ng tensyon sa rehiyon.

Ang pahayag ng DFA ay kasunod ng anunsyo ni U.S. President Donald Trump na nagsagawa umano ang Estados Unidos ng isang “large-scale strike” laban sa Venezuela na nagresulta sa pagkaka-aresto ni Venezuelan President Nicolas Maduro at ang asawa nito.

Samantala, pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Colombia, na may hurisdiksiyon sa Venezuela, ang mga Pilipino roon na manatiling alerto at tukuyin ang mga ligtas na lugar na maaaring pagtaguan sakaling lalo pang lumala ang sitwasyon.

Batay sa tala ng DFA, may kabuuang 74 na Pilipino na kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Venezuela.