-- Advertisements --

Ipinagdiriwang ng Bombo Radyo Philippines ang anim na dekada ng media excellence sa pamamagitan ng Top Level Management Conference mula ngayong Enero 5 hanggang 11, 2026, na may temang “Bombo Radyo Philippines: Celebrating 60 Years of Media Excellence.”

Pinangungunahan nina Chairman Dr. Rogelio M. Florete at President at Chief Executive Officer Margaret Ruth C. Florete ang aktibidad, kung saan dadalo sa kumperensiya ang mga station managers at senior officers mula sa 25 key areas ng Bombo Radyo Philippines network sa Iloilo City.

Ang isang linggong pagtitipon ay nakatuon sa strategic planning at direction-setting bilang paghahanda ng network sa mga susunod pang taon.

Tatalakayin dito ang mga usapin ng inobasyon, pampublikong serbisyo, at patuloy na pangako sa kredible, responsable, at public service-oriented broadcasting.

Bilang bahagi ng ika-60 anibersaryo, tampok ng Bombo Radyo Philippines ang mahabang listahan ng mga prestihiyosong parangal sa larangan ng news reporting, public affairs programming, at public service broadcasting.

Kabilang dito ang Bombo Network News, na back-to-back winner ng Catholic Mass Media Awards (CMMA) bilang Best News Program para sa 2024 at 2025, at ang Star FM, na kinilala bilang Best Entertainment Program sa loob ng tatlong sunod na taon (2023–2025).

Samantala, ang Bombo Radyo Iloilo, flagship station ng network, ay kinilala bilang Best AM Station (Provincial) at Best News Program (Provincial) sa 28th Golden Dove Awards (2025) ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP).

Higit pa sa mga parangal, pinagtibay ng mga independent survey ang kredibilidad at tiwala ng publiko sa Bombo Radyo.

Lumabas ito bilang Most Trusted News and Information Source sa Radio category sa National Survey on Media and Information Literacy ng Philippine Information Agency (Nobyembre 2024).

Kinilala rin ng OCTA Research (Disyembre 2024) bilang nangungunang radio source ng balita at impormasyon sa mga Pilipinong adulto, at patuloy na nangunguna sa quarterly Pahayag Survey ng Publicus Asia, Inc. sa kategoryang Most Trusted Media Outlets in the Radio.

Ang lahat ng pagkilalang ito ay patunay ng dedikasyon ng Bombo Radyo Philippines sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng broadcast journalism.

Pinagtitibay din ng kumperensiya ang pamana ng Bombo Radyo bilang nangungunang radio network sa bansa, na may 32 ganap na digitalized AM at FM stations sa buong Pilipinas, at nagsisilbing taos-pusong pasasalamat sa publiko.

Dahil sa inyo, ang Bombo Radyo ay patuloy na itinataguyod ang kahusayan sa pamamahayag at paghahatid ng balita at public service na hindi matutumbasang pagganap.

Basta Radyo, BOMBO!