-- Advertisements --

ROXAS CITY – Desididong magsampa ng kaukulang kaso ang 48 taong gulang na tiyahin laban sa kaniyang pamangkin na nagpaulan ng bala sa kaniyang bahay sa Barangay Parian, Sigma, Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas, inihayag ni Lowelin Valdez na matinding takot ang naidulot ng pagpapaulan ng bala ng kaniyang pamangkin na si Cute Valdez, 30 taong gulang, residente rin ng naturang lugar.

Ayon sa ginang, sumugod ang pamangkin nito sa kanilang bahay kasama si Evangeline Gonzales at naghamon ng away.

Dahil ayaw na ng gulo ay minabuti ni Lowelin na wag patulan ang pamangkin.

Ngunit nakita nitong bumalik ang pamangkin sa kaniyang sasakyan upang kumuha ng baril.

Dito ay umakyat umano sa pader ng gate ang pamangkin at pinaulanan ng bala ang kanilang bahay.

Hindi bababa sa 15 basiyo ng hindi pa natutokoy na baril ang narekober ng mga otoridad sa lugar.

Kaagad namang naaresto ang suspek ng mga kasapi ng Sigma Municipal Police Station.

Nabatid na matagal na umanong may alitan ang pamilya ni Lowelin at ng suspek bago pa man nangyari ang naturang insidente.